My Aklatan 2020 Book Haul

aklatan haul

Matagal-tagal na rin akong nagpipigil sa pagbili ng libro. Bukod kasi sa ayaw ko nang mag-hoard ulit, gusto ko muna sanang unahing basahin iyong mga natira sa akin matapos kong ibenta at ipamigay ang malaking bahagi ng aking koleksyon.

Napagtatagumpayan ko naman ang misyon kong ito. Maliban sa iilang aklat na inuwi ko mula sa Baguio noong sumali sa University of Santo Tomas National Writers Workshop (USTNWW) noong Abril 2019 at paunti-unting mahahalagang librong binili ko pagkalipat sa bagong bahay noong Enero, wala na ako masyadong librong nabili. 

Kaya naman, noong nabalitaan kong magkakaroon ng isang online book fair na magtatampok ng mga libro mula sa mga lokal na palimbagan, naisip kong puwede akong mamili. Hindi naman ito magiging kalabisan, lalo na kung panay mahahalagang libro lang din naman ang bibilhin ko, o iyong mga makatutulong din sa akin sa pagsusulat.

Pagpatak na pagpatak ng alas dose ng umaga sa mismong umpisa ng online fair, nagsimula na agad akong mamili. Hindi rin naman ako masyadong nagtagal, dahil hindi rin naman din karamihan ang pinamili.

Ilang araw lang matapos ako mag-add to cart at check out, dumating na ang aking mga pinamili. Ito sila:

‘Night Fall’ Ni Eliza Victoria

Paborito si Eliza Victoria ng mga kabarkada kong fictionist. Madalas ko ring marinig ang pangalan niya sa mga prof ko noong undergrad. Ang alam ko, may mga maiikling akda na niya akong nabasa noon para sa fiction class. Pero, wala pa akong ni isang libro niya kaya sinamantala ko talaga ang sale na ito. 

Sakto rin, dahil nahihilig na naman ako sa speculative fiction nitong mga nakaraan. Gustung-gusto ko ring nagtataka, naiintriga, at kinakabahan sa mga nababasa. At base sa blurb sa likod ng librong ito, mukhang mag-e-enjoy talaga ako. May natagpuang bangkay, may mga residenteng sumailalim sa biomodification para mas kayanin ang matagalang trabaho. Di na ako makapaghintay!

‘Ang Autobiografia Ng Ibang Lady Gaga’ Ni Jack Alvarez

Excited talaga akong mabasa ito. Akda pala ito ng isang OFW, at maging ang mismong libro ay maraming bahagi na tumatalakay sa danas ng isang Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Curious din ako kung ano ang kuwento sa likod ng Lady Gaga reference. Mahal na mahal ko kasi si Lady Gaga, kaya extra points ang kahit ano o kahit sinong magbanggit ng pangalan niya. At siyempre, sabik na sabik din akong makabasa ng gawa ng mga manunulat na may iba’t ibang background sa buhay.

‘Trafficking In Nostalgia: Essays From Memory’ Ni Exie Abola

Isang gawa pa lang ni Exie Abola ang nababasa ko, at iyong ang “Many Mansions” na tinalakay namin sa isang creative nonfiction class noong undergrad. Kilig na kilig ako sa ganda wika nito. Gustung-gusto ko rin ang isang bahagi ng sanaysay na iyon. Sabi rito: 

“Houses provided us the necessary certainties—somewhere to come home to where you’d find your family, your things, a hot dinner, a bed or a good couch. Write to me here. Call me at this number. But I’ve changed addresses and phone numbers enough times to know better. Perhaps that’s what houses are really about: the fundamental uncertainty of life, the slowly learned fact that the reference points by which we draw our maps and chart our course are ever shifting, and a life’s cartography is never quite done.” 

Dito pa lang, kumbinsido na akong bilhin libro niya para mabasa ko pa ang iba niyang mga gawa.

‘Nuno Sa Puso: Relasyon’ At ‘Nuno Sa Puso: Pag-Ibig’ Ni Bebang Siy

Noong 2019, inimbitahan namin si Bb. Bebang Siy para magbigay ng maikling talk sa event namin sa Sinaya Cup para sa Women’s Month. Tinalakay niya hindi lamang ang librong Pukiusap, kundi pati na rin ang iba niyang mga akda tulad ng “It’s A Mens World” at “It’s Raining Mens.”

Siyempre, nabanggit niya rin itong Nuno sa Puso at naintriga rin naman ako rito. Ayon sa talk ni Bb. Bebang, ito raw yung tinipon niyang mga payo sa mga tao. Iyong isa, tungkol sa relasyon. Ang isa naman, nakasentro sa pag-ibig. Sigurado ako, mae-enjoy ko ito! Bukod sa kuwela ang may-akda, gusto ko rin kasi ang gamit niya ng wika sa pagsusulat. Hindi tunog luma at kaswal na kaswal, parang kabarkada mo lang na nakikipagchismisan sa iyo.

‘Voyager And Other Fictions: The Collected Stories Of Jose Dalisay’

Gustung-gusto ko talaga ang mga kuwento ni Butch Dalisay. Karamihan sa mga nabasa kong gawa niya noong undergrad, hinangaan ko hindi lang dahil sa magandang gamit ng wika kundi pati na rin sa mismong disenyo ng kuwento. Gusto ko rin ang pagkatahimik sa mga ito. Damang-dama ang pagtitimpi, pero kung manakit ay grabe.

Pero siyempre, marami-rami pa rin akong hindi nababasa sa mga akda niya, lalo na’t sobrang prolific niyang manunulat. Kaya naman, siniguro kong bumili ng kopya ng koleksiyong ito. Sa tingin ko, ito na ang pagkakataon ko para mas ma-expose pa sa kaniyang mga obra. Nawa’y mas marami pa akong matutunan tungkol sa sining ng pagkukuwento sa pamamagitan ng pagbasa ng mga gawa niya!

‘The Collected Stories Of Jessica Zafra’

Gaya nga ng sabi ko sa isang post, babasahin ko kahit anong ilathala ni Jessica Zafra.  Isa talaga siya sa mga naging inspirasyon ko para iwan ang journalism at lumipat sa creative writing. Seryoso naman ako rito. Kahit nga iyong blog niya, hanggang ngayon at binabalik-balikan ko pa rin.

Noong nakaraan lang din, binasa ko iyong libro niya tungkol sa Central Europe. Kaya naman, talagang bumili ako nitong koleksiyon ng mga kuwento niya mula sa Ateneo Press. Wala ako masyadong ideya kung tungkol saan ang mga akdang nakapaloob dito, pero ayos lang.

Basta, ang alam ko, bibilib at matutuwa pa rin ako pagkatapos kong magbasa nito. Hindi na rin ako makapaghintay na mabasa ulit ang mga witty niyang linyahan at marinig muli ang boses niyang lutang na lutang sa tuwing siya’y magsusulat.

‘City Stories’ Ni Angelo R. Lacuesta

Sige na nga, aamin na ako. Gusto ko talaga ang mga akdang nakapokus sa mga siyudad. Sa tingin ko kasi, napakainteresante ng relasyon ng sarili at ng lungsod. Ang daming tunggalian! Siyempre, mayaman din ang mga siyudad sa materyal kaya bilang isang manunulat, madalas ko itong inspirasyon.

At iyon na nga, nang nakita ko ang librong ito na naka-sale noong Aklatan 2020, nag-add to cart agad ako. Malakas ang kutob ko na malaki ang maiaambag nito sa patuloy kong pagtuklas ng mas malalalim at mas kumplikado pang mga ugnayan na maaaring mamagitan sa lungsod at tao. Tiyak na magkakaroon na naman ako ng inspirasyong magsulat. Isa pa, nagustuhan ko rin ang mga nabasa kong gawa ni Lacuesta noon kaya alam ko ring walang kalugi-lugi rito.

‘To Remember To Remember: Reflections On The Literary Memoirs Of Filipino Women’ Ni Cristina Pantoja Hidalgo

Isa talaga sa mga tinitingala kong manunulat sa bansa si Cristina Pantoja Hidalgo. Bukod sa magaganda niyang mga naisulat, malaki rin ang epekto sa akin ng mga libro niyang “Creative Nonfiction: A Reader at Creative Nonfiction: A Manual for Filipino Writers” na itinuring naming bibliya noon sa creative nonfiction classes sa UP Diliman.

Kaya naman, excited din akong mabasa ang librong ito. Alam kong marami akong matututunan dito bilang isang babaeng nagsusulat ng memoirs, lalo pa’t tinatalakay sa librong ito ang mga gawa ng ilan sa mga pinakamahahalagang babaeng manunulat sa bansa, gaya ni Gilda Cordero-Fernando, Rica Bolipata-Santos, Criselda Yabes, at Merlie Alunan.

‘Project 17’ Ni Eliza Victoria

Ito, isa pang libro ni Eliza Victoria. Ito naman, tungkol daw sa isang babae na tumanggap ng raket mula sa isang lalaki.

Simple lang ang deal: kailangan niyang bantayan ang kapatid nito na 28 taong gulang. Mayroon daw itong schizoaffective disorder, kaya kailangan niyang siguruhing naiinom nito lagi ang kaniyang gamot. Sa kalaunan, nagsimula siyang magtaka dahil bukod sa walang kahit anong impormasyon online tungkol sa gamot na iniinom ng kaniyang binabantayan, nakasaad din sa national central database na patay na ang magkapatid na ito.

Weird, hindi ba? Ako man, nagulat nang mabasa ang synopsis ng akda. Ngayon tuloy, hindi na ako lalong makapaghintay na basahin ito.

‘Navel n. The Central Point Of A Place’ Ni Rica Bolipata-Santos

Isa sa mga nirekomenda sa aking awtor sa USTNWW 2019 si Rica Bolipata Santos. Marami raw akong matututunan sa mga gawa niya. Kaya naman, laking tuwa ko nang makatsamba ng kopya ng libro niyang Lost and Found sa Upper Shelf sa UP Town Center ilang buwan pagkatapos ng workshop. Discounted pa iyon, kaya mas masaya! At ito na nga, noong nag-sale dahil sa Aklatan 2020, nakakita ko naman ang librong ito sa page ng UST Publishing House kaya talagang binili ko rin.

Sakto rin dahil kasama pala ang mga gawa ni Rica Bolipata-Santos sa mga tinatalakay sa isa pang librong binili ko rin, iyong To Remember to Remember. At, ayun pala, plus point pa na nagandahan ako sa cover nito. Borlongan painting ba naman ang tampok dito!

Kung tutuusin, kaunti lang ang mga ito. Walang-wala sa mga hinakot ng mga kaibigan kong halos nag-ubos ng sahod para lang makabili ng libro. Gayunpaman, big deal ito sa akin lalo na’t namanata nga akong maghihinay-hinay muna sa pagbili ng mga babasahin.

Isa pa, maganda rin talagang suportahan ang mga lokal na palimbagan at may-akda. Bukod sa pagpapayaman ng kamalayan sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga kuwentong gawa ng mga kapwa Pinoy, maganda rin itong hakbang para mas maengganyo pa ang marami na magbahagi ng kanilang mga gawa, at para rin patuloy na lumago ang mga publishing house dito sa Pinas.

Magandang oportunidad ang ibinigay ng Aklatan 2020 di lang para sa mga mahihilig nang magbasa tulad ko kundi para na rin sa mga nagsisimula pa lang mahumaling sa panitikan. Sana’y masundan pa ito at sana’y patuloy ang pagsuporta ng madla sa mga ganitong proyekto.

Leave a Reply