‘Charged Volume 1’ Ni Siege Malvar [Book Review]

charged vol 1 book by siege malvar

Sobra-sobra ang pananabik kong mabasa ang librong ito. Isa kasi ako sa mga nabaliw sa pag-aabang dito noong socialserye pa lang ito. Bukod sa kakaiba nitong format, mainit din ang kada tagpo sa kuwento.

Isipin mo, may isang babae na bigla na lang nakatanggap ng text message habang nasa isang coffee shop. Noong una, akala niya’y wrong number lang. Pero iyon pala, may balak talaga ang lalaking ito sa kaniya.

Mabilis ang mga pangyayari. Iba-blackmail siya nito. Ikakalat daw ang video niya kung hindi susundin ang mga utos. Ang una sa listahan? Manglason ng isang customer sa coffee shop.

Grabe, hindi ba? Kaya hindi talaga nakapagtatakang maraming nahumaling sa kuwentong ito. Kaya naman, marami ring sumuporta noong ituloy ng awtor ang kuwento sa libro.

Sulit naman ang pagbabasa ng buong libro. Natuwa ako dahil talagang itinodo ng may akda ang kabaliwan. Naging malinaw din kung ano ang motibo ng misteryosong lalaki sa kaniyang mga hakbang, at kung bakit si Candy ang napili niyang pagdiskitahan. At ang totoo, hindi lang ito trip-trip. May mas malalim na dahilan kung bakit niya ginagawa ang lahat ng ito.

Natuwa rin ako dahil may pahapyaw ang librong ito sa mga isyung kinakaharap sa bansa. Subtle ito at hindi nagsusumigaw. Sa halip, mapapansin mo lang ito kung susuriin ang katauhan ng mga karakter.

Halimbawa, si Candy. Mayroon siyang mga pananaw na mukhang pamilyar dahil madalas nating nakikita sa mga naniniwalang okey lang ang EJK. Interesante kung paano ito ginamit ng misteryosong lalaki para manipulahin siya at papayagin sa kaniyang mga plano.

Ang hindi ko lang masyado nagustuhan ay ang bahagi ng libro na may ibang format. Oo nga’t kailangan ito, pero medyo distracting lang sa takbo ng kuwento. Halata ring mas magaling sa Ingles ang may-akda dahil may mga pangungusap na medyo hindi swak.

Pero sa pangkalahatan, maganda ito at masarap basahin! Isa itong perpektong babasahin para sa mga mahihilig sa crime stories at aksiyon, pati na rin sa mga hindi pa kayang mag-commit sa mas mahahabang libro.

Leave a Reply